11.18.2010

I M M U R T A L


Mura pa lamang ako’y nakagiliwan na’y salita
Tahana’y bagong mundo’t bansag sa aki’y makabagong makata
Hindi ko taglay ang sinaunang mga diwa
Istilo ni Rizal, tayutay ni Balagtas, mahagway na talino ni Solomon ay di magaya
Subalit ito ang mundo ko ngayon, pilit inilalarawan sa malinaw na papel
At maliwanag na pinsel
Nasa’y maging liwanag ng gamu-gamo at yungyungan ng pusong may hilahil
Hindi ako katulad ng ibang makatang musa’y yama’t negosyo’y muni
Kaya’t diwa’y dagling nakikitil
Mata ko’y dilat, kamao’y nababad sa dugo ng mga radikal
Suya sa tulang pampantasya at sa katotohana’y nasandal
Baliw ako na sa salita’y aliw dahil isipa’y madals magawi sa di pangkaraniwang dako
Tula ko’y salakot sa nakaluluoy na init at pangnan kung tag-ani kung babasa’y didiliing may puso
Nandito ako sa banat na papel, nagbabadha’t lumlaban na titik ang pantalo
Ako ito’t dito na magalalaho
Habambuhay na hahabi ng diwa ng may maipang tapis itong nanasang hubo
Kung ako’y manaw man, obra’y di magtugot sa pagyakag ng kamalayan
Katawa’s uuri’t dina mamalas subalit tula ko’y nakatighaw
At mananatili habambuhay
Kamataya’y hindi naging sagwil upang manatiling buhay
Sapagkat sa isip ng tao’y nananatiling pinagbubulayan
Lumipas man ang daang taon
Hanggat may mangmang at pantas na babasa ng aking tula
Ay mananatili akong makatang may karangalan


Pasasalamat kay DN para sa larawan.

No comments:

Post a Comment